Kwentong Hokbu

Isa sa mga paborito kong kanta noon na kabilang sa tawag nating tunog kalye ay ang kanta ng Weedd na Long Hair. Siguro ang iba ay hindi pamilyar sa title at artist. Ang korus kasi nito ang sikat sa marami “Anong paki mo sa long hair ko. Anong paki mo, hindi ito sa ‘yo”.
 
Bukod sa reggae vibe ng kanta ay madaming nakarelate dito noong 90’s dahil sa mahigpit na hair policy ng mga eskwelahan. Hindi ko alam kung anong kinalaman ng buhok sa pag-aaral at pagkatuto ng mga estdyante, pero sabi ni papa na isang sundalo, na ang pagpapagupit ng buhok ay maituturing na desiplina kumbaga, nasa eskwelahan ka palang tinuturuan ka nang sumunod sa batas mga iho at iha. Kaya hindi nakakapagtaka na sa North Korea ay may kinseng aprub na gupit lang para sa mga babae at lalaki. Oh, baka sabihin mo kwentong barbero, hindi no kita ko yan sa wikpedia. Kasama rin sa kanta na ayaw nila ang skinhead o kalbo. Nag CAT at ROTC ako nung hayskul at college at bawal ang kalbo at skinhead. Ang buhok namin kundi 4×5 ay white sidewall (white wall), pag kalbo raw kasi ay nagrerebelde o rebelde ang ibig sabihin. Paano naman yung mga sundalong nakakalbo at napapanot, may exemption ba?
 
Astig na astig ako dun sa pelikula ni Robin Padilla at ni BB Gand…este Rustom Padilla (RIP) yung Mistah. Ang lupet naman kasi talaga ni lodi Robin dun. Kahit hindi tinitignan ang pagbaril sa kalaban nakakatama. At yung armalite, isang kamay lang paghawak niya. Astig hindi ba? Medyo kontrobersyal din ang pelikula dahil may mga kapatid tayong Muslim ang nagtaas ng kilay. Balik tayo….yun nga, petmalu siya dun at yung buhok niyang mahaba. Ala Rambo ang datingan, tinanong ko rin yan kay papa at may logic reasoning naman para diyan. Nasa gubat nga e paano magpapagupit? Walang barbershop sa gubat kaya mahaba talaga ang buhok nila at nagpapagupit lang yan kapag bumaba at nagre-report.
 
Iba talaga ang trip ng mga tao pagdating sa buhok at ginawan pa nila ito ng hairstyle. Ancient period pa lang ay kung anu-ano ang kalokohang ginagawa natin sa ating mga hokbu pero no one can beat long hair. Dahil ang mga hari noon nagwi-wig para lang magmukhang Shih Tzu. Iba si Einstein kasi wala talagang hairstyle pero dahil iconic nagkaroon. Sabi ng iba na ang buhok ni Einstein ay epitome ng pagiging henyo. Kung may paborito akong hairstyle, yan ay ang tusok tusok na buhok ng mga punkista. Rebellious, aggressive at anti-establishment- ang bumasag sa lahat ng mga nakasanayang kalakaran. itong hairstyle na ‘to pwedeng maikli at pwede ring mahaba basta ang gilid tistis. Sigurado ako na kung ito buhok mo at ang walang kamatayang long hair “adeeeekkk” agad bungad ng lola at lolo mo. Noong panahon nga ni Kristo ang lahat mahaba ang buhok diba?
 
Yung mga bayani natin, kumusta ang buhok nila noon? Si Pepe may pagka Emo, Si Emillio crew cut na ala Morrisey, si Juan Luna brush up pero mas astig ang bigote, si Andres Bonifacio naman hmmmmmm….wag na nga lang. May isa sa kanila na medyo underrated. Yung mukhang nagpauso ng pagiging hippie at mukhang bokalista ng isang metal band na si Macario Sakay. Ang Pangulo ng Republikang Tagalog, na sabi nga ng mga historyador na dapat kilalanin bilang isa mga naging Presidente ng ating bansa. Ang heneral na nakipaglaban sa panahon ng Español at ng mga Amerikano. Ang tropa nating ‘to na taga tondo ay batang katipunero at kasakasama ni Andres Bonifacio. Nakakapagtaka lang na bakit hindi natin pinagdidiwang ang kanyang kapanganakan o kanyang pagkabitay sa kamay ng mga Joe. Wala rin ang mukha niya sa pera o kahit sa bahay ng posporo. Hindi (ata) naikwento ang pagkabayani niya sa libro. Okay lang, may isa namang pelikula tungkol sa kanya at ayos ang arte ni Julio Diaz dun ha. At may kaisaisang rebulto naman siya diyan sa tondo katabi ng bangketa. Ayos na yun….nga pala, ano nga pala ulit ang kumpletong lyrics ng kanta?
 
“Anong paki mo sa long hair ko
Anong paki mo, hindi ito sa ‘yo
Anong paki mo sa long hair ko
Inggit ka lang kasi ikaw nakakalbo”
68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f354877394d784e4b634370736e413d3d2d3439323336363035392e3134663531396232

  (front) Julian Montalan, Francisco Carreon, Macario Sakay, Leon Villafuerte

(back) Benito Natividad and Lucio de Vega.  

Advertisements

Ispeling

“Bes what’s your favourite colour?”
“Bes my favorite color is Fuchsia”
“Spell?”
“Pink na lang pala”
Si erpat mahigpit sa ispeling yan kaya nasinturon ako nang malaman niyang kinakabisote ko lang yung dog at cat, nabuking ako na tinitignan ko lang yung mga litrato. Nagkaroon din ako ng problema sa NBI dahil sa maling pangalan. Imbes kasi na Al Joseph naging Al Josehp, same thing (wow same thing) with my NBI (conyo ko na rito sa part na ‘to) ganun din, may mali lang ng konti hindi na pinapayagan. Ulit na naman ako, bayad na naman at ang masama e ma-hit ka pa sa maling spelling ng sarili mong pangalan. Mayroon pa ngang insidente na hindi raw ako kilala ng prof ko kahit araw-araw akong napasok sa klase niya. Wala raw kasi siyang estudyanteng Al Joseph, nang malaman-laman ko walang’ya Aljuseph pala ang nakalagay sa class record niya. Kaya simula noon sinisigurado ko na tama ang pangalan ko kapag sinusulat ko sa mga importanteng dokumento. Muntik pa ngang maudlot yung pagpik….este pagpapakasal namin ng asawa ko dahil hindi tinanggap ng simbahan yung baptismal certificate ko. Chill lang ako nun pero si Arlene kinakabahan na (magalit kaya siya sa akin kapag nabasa niya ‘to?) kaya dali-dali kaming pumunta sa simbahan at nalaman namin na mali ang pangalan ng ermat ko. Sa birth certificate niya kasi ay Wenley sa baptismal certificate ko naman ay Wenly. Kaya kailangan pa namin mag affidavit para lang maitama ang mali. Kahit daw kasi kulang ng isang letra o nag-jumble lang ang mga letter ay consider ng ibang tao. E di parang nawala ang existence mo sa mundo dahil lang sa maliit na pagkakamali. Ang creepy no? Sabi nga ni FPJ, isang letter ka lang! Ang korni no?
Minsan nga nalilito ang mga tiga ibang bansa kung ano ang itatawag nila sa atin. Kasi diba kapag pinanganak ka sa Japan, Japanese. Chinese naman ang sa China. Sa Germany naman German at Amerikano sa mga tiga America. Bakit sa atin ay Filipino at hindi Phillipians e taga Philippines tayo tapos nalilito pa sila kung Filipino o Pilipino. Kaya tuloy nalito si Steve Harvey sa twitter at tinawag si Pia na Miss Philippians.
Pero ang heavy talaga men e di ko magetching golly wow na kung bakit sa billion na perang nilabas sa darating na ASEAN Summit ay hindi man lang naitama ang pagbaybay sa ating bansa. Ano kaya ang trip ng mga yun at pinangalandakan pa sa kalsada? Hmmmmmm….naisip ko lang, hindi pa siguro natin lubos kilala ang ating pagkakakilanlan bilang Filipino. Hindi kaya dahil watak watak tayo? Luzon, Visayas at Mindanao- iba’t iba pa ang dayalekto (wika). O baka wasak lang kasi tayo. Sige na nga pagbigyan “Welcome to the Philppines ASEAN Delegates!!!”
23376217_1843727248974979_7113438506914087255_n

Eductainment

Dahil boring sa bahay at ilang araw rin akong nakabulagta sa kama ay nangati ang kamay kong magkuwento. Sakto naman na nakita ko sa aking timeline ang post ni Ansh (Ansherina May D. Jazul) tungkol sa proyektong “Klas Rekords” ng LapisArtCom kaya naisipan kong hmmmmm…. magpasa. Ako’y naghalungkat ng mga nakatenggang kuwento na pwedeng ayusin at irebisa o mga kuwentong ipinasa dati sa pangalawang libro ng “Lapis Sa Kalye” ang “Titser May I Go Out?” (Koleksyon Ng Sari-saring Kwentong Klasrum)”, pero naisip ko na mas maganda kung magkuwento muli ako o tignan muli sa ibang lente ang buhay estudyante at guro, gusto kong malaman kung may nagbago nga bang talaga. Sa libro ni Bob Ong na “ABNKKBSNPLAko?!” ay pinakita sa atin ng awtor ang mga gurong nag-ala negosyante ng longganisa at papel na tingian dahil sa mababang sweldo. Mula sa nutriban sa administrasyon ni Makoy hanggang sa sitsirya, chuchirya, (walangya) junkfoods ni Gloria, butas na bubong na mga silid aralan at sa mga gurong nangangain ng tao. Hanggang saan na nga ba tayo?

Hanggang ngayon 2017 (sign of the cross) ‘wag naman sana hanggang sa susunod pang taon e tayo pa rin ay kabilang sa bansang mababang magbigay ng sweldo sa mga guro. Kaya huwag nang magulat kung mangibang bansa si Sir at si Ma’am. Mayroon pa nga akong nabasa na pag kansela ng mga lisensiya sa mga gurong hindi makakapagbayad ng loan/insurance na halatang panggigipit sa mga ito. Marami nang nailabas na libro tungkol sa mga guro at kwentong klasrum. Iisa lang ang sinisigaw kundi pagbabago pero hanggang ngayon ay imbes umusad ay tila lumulubog tayo sa putik- na ang sabi ng mga nasa itaas ay inu-upgrade nila ang edukasyon na kung tututukan ay parang binabawasan. Mainit ang usapin tungkol sa K12 na noon pa man ay tinulak na ng mga dating Pangulo. Ngunit handa nga ba tayo sa mga ‘to? Solusyon ba sa ating inaanay na edukasyon ang pagdagdag ng taon sa mga estudyanteng hirap na nga pag-aralin ng kanilang magulang ay dadagdagan pa ng bagahe ang kanilang mga likuran. Ano ang bagong ituturo sa mga ito, hindi ba ang mangibang bansa at magpaalipin sa ibang lahi? Nito nga lang ay ituturo ang Korean sa mga estudyante. Marami ang natuwa gaya ng mga fans nina Song Joong Ki, Seo Kang Jun, Gong Yoo at Song Seung Hun. Naalala ko pa noon na tanging F4 lang ang kinalolokohan natin kaya nakakatakot na baka sa susunod ay sina Kim Jong-un at Kim Jong-il na ang kabaliwan natin. Sabi ko sa isang post ko sa facebook.

“Hangul kayo este hangal kayo DepEd! Ituturo n’yo yan sa mga estudyante para maging mangmang sa ating wika. Yayaman ba tayo sa Korea o nalunod lang kayo sa Kdrama. Ang maganda siguro ay tularan natin ang mga Koreano. Sila sobra ang pagpapahalaga sa wika, nag-aaral sila ng ingles- oo, pero hindi magpaalipin kundi makipag kompetensiya. Utak negosyo ang mga ‘to, nag-aaral ng ibang lengwahe para makipag partnership internationally, competes and promote their business at yan ang pagkakaiba natin sa kanila. Tayo nag-aaral ng ibang language para maging alipin. Sabi ng isang koreanong kaibigan, akala niya English ang wika natin dahil puro ingles ang mga librong ginagamit natin sa eskwela. Sa bansa nila walang ibang wika kaya naloka sila nang walang makitang signage na Filipino, ultimo tindahan “Ice for Sale”. Sabi ko, meron naman, sa Roxas Blvd “Bawal tumawid nakamamatay” at sa monumento ni Bonifacio “Bawal tomae deto”. Nga pala pitong taon na akong nagtratrabaho sa callcenter. Welcome sa bansang third world!”

Kaya tuwang-tuwa yung Korean friend ko na pinag-aaralan natin ang kanilang lengwahe, sabi niya “Fillipino’s baegchi” cute ata ibig sabihin ng baegchi, hindi niya kasi sinabi sa akin e. Kwits naman sabi ng iba, kung ang Pinoy mahilig sa k-pop ang mga korean naman ay nakailang rendition na sa kanta ni ka-freddie ang “Anak” naging themesong pa nga sa isang pelikula.

Kanina bago ko ‘to isulat ay pinalabas sa cinema 1 ang pelikula ng TVJ (Tito, Vic and Joey) na “Ma’am May We Go Out?”. Kasama rito sila Herbert Bautista, Carmi Martin, Niño Mulach, Monching at iba pa na hindi ko na babanggitin dahil hindi niyo rin naman din kilala. Iikot ang istorya tungkol sa Soriano Brothers na binigyan nang pamana ng kanilang lolo na nasa Amerika, ngunit hindi nila makukuha hangga’t hindi sila nakakagraweyt ng hayskul. Dito ikukwento ang kapalpakan ng tatlo, kung bakit kailangan nilang matutunan ang wikang ingles at bakit ang Filipino teacher nila ay inglesera kapag nasa bahay pati ang kanyang katulong. Kinuwento rin ang mga programang ginaganap sa paaralan na malayo sa akademya para makalikom ng “budget” gaya ng talent show na nauwi sa burlesk show, cultural night na muntik nang magkasunog dahil sa fail na pandanggo sa ilaw at ang walang kamatayang JS Prom. Sumayaw nang nakahubad ang partner ni Chip (Vic Sotto) dahil sa sobrang kalasingan.

Ang unang eksena ay si Tito Sotto bilang drayber na may sakay na matandang babae na gustong pumara sa hindi tamang babaan. Pinipilit ng babaeng bumaba rito at pinapaliwanag ni Tito sa matanda na bawal nga ang magbaba ng pasahero sa hindi tamang babaan. Noon pa lang pala ay hirap na tayo sumunod sa batas trapiko na kahit grade 5 ay kayang intindihin ang mga ‘to. Tunay ngang hindi natutunan sa paaralan ang tamang asal o sadyang ating kinakalimutan.

Sa speech ng batang Niño Mulach sa graduation scene ng pelikula na isang satirikong mensahe sa estado ng edukasyon noong 1985, na dama pa rin hanggang ngayon “Ang diploma. Ang diploma ay isang dokumentong napakahalaga sa buhay ng tao. Ito ang katibayan ng kanyang pinag-aralan. Sa mundo ngayon ito ay kailangan. Mula sa Saudi hanggang California, ito pa rin ang papel na ito ang hanap nila. Maski domestic helper o janitor ito pa rin ang papel na kailangan nila. Kaya kung gusto mong umasenso, diploma ang iyong kailangan. Ang diploma.”

Nakakatawa na nakakaiyak. Noon pa pala ay hindi na tayo nagbago sa pagtingin sa edukasyong pinaglaban natin. Imbes makatulong sa pagmolde, paghulma at maging katuwang sa pagpapalakas ng mga lokal na industriya sa pambansang kaunlaran ay naging factory tayo ng mga trabahador sa ibang bansa.

Ito ang repleksyon. Ito ang ating bansa at ang ating edukasyon. Sana, gaya ng pelikula ay mayroon din tayong swimming outing. Pakanta-kanta, sayawan, inuman para maganda ang happy ending…tsk! Masyado na yata akong madaldal, balik na lang uli ako sa panonood. Mapanood nga ulit sina Vic Ungasis, Escalera Brothers at buong tropa ng Wanbol University baka dito sakaling may matutunan pa ako. Achecheche!!!

***

Lahat ay inaanyayahan na magbahagi ng akda (maaaring tula, dagli, maikling kwento, o sanaysay) tungkol sa pagiging guro o mga karanasan sa loob ng klasrum. Ang akda ay dapat nakasulat sa Wikang Filipino. Ang deadline ay hanggang Nobyembre 30, 2017. Isumite lamang sa fb account o sa pahina ng Lapis ArtCom. Kung may mga katanungan, agad lamang magmensahe.

Paki click lang ang link: https://www.facebook.com/LapisArtCom/

Ang Sachet Bow!

Ang sachet bow! Ang simbolo ng kahirapan. Ang tingi-tingi, ang pira-piraso at paisa-isang bentahan. Ang sari-sari store na sumasalamin sa ating kultura, heritage of smallness ika nga ni Quijano de Manila. Kahit sa droga parang shampoo at betsin, nakalagay sa sachet, piso pa nga kung tawagin ang isang gramo ng Methamphetamine. Panandaliang kaligayan ang hatid sa mga parokyanong isang kahig isang tuka. Tapos magtataka tayo bakit puro mahihirap ang mga nakabulagta? Balik tayo, saan nagmula ang sachet at droga? Kung sa kasaysayan at kultura ang sachet ay galing sa tsina, maliit na telang inilalagay sa loob ng damit para gawing pabango, panlaban lamok at masasamang espiritu at nito lang sa balita 5-milyon na halaga ng shabu nahuli kay Chen Go. Tunog tsonggo pero alam mo ng tsino, hindi malayo sa pangalan nina Tony Co, Vicente Sy at Peter Co. Ayos lang yan, okay lang basta may permiso tayong mangisda sa Scarborough Shoal.

Balik tayo sa kwentuhang sachet. Naalala ko noong may tindahan kami. Badtrip ako kapag ako ang toka, ang sarap nang panonood ko sa tv at may sisigaw ng pabile. Isang stick nga po ng yosi, mapapailing ka na lang na parang gusto mong mang gulpi. Minsan napagalitan ako ni Mama, sabi niya “Anak okay lang kahit tig-iisa ang binibili ang mahalaga may kita”. Pero kung ako ang bumibili mas pipiliin ko ang bultuhan kesa tingian. Mas makakamura ako kesa sa paisa-isang bilihan. Hindi totoo yan sabi ng kakilala kong tambay, hindi naman kasi sila mayaman at ang pera sa buong araw ay sapat lang sa pirasong kaligayahan. Isang pirasong shampoo, isang lata ng Ligo, isang plastic ng suka, toyo at mantika, isang pirasong kaligayahan sa bansang maliit ang tingin sa sarili. Mabagal ang progreso at maliit ang hakbang tungo sa pagbabago. Kaya tayo ay parang bato, minsan durog minsan buo. Nakalagay sa sachet na tila anay na kumakain sa kinabukasan ng bawat Filipino. At gaya ng sari-sari store, madali ang bentahan, mura ang presyuhan. Basta nasa maliit na plastic ang lalagyanan, buhay na buhay sa buong magdamagan.

Easy access pa ang lagayan, puwede ilagay sa brief, puwede lunukin at ilabas sa puwet, puwede ilagay sa loob ng stuff toys o ilagay sa loob ng sapatos. Maliit kaya madaling bitbitin, madali ring itanim. Itanim sa mga pinaghihinalaan, itanim sa mga napagtripan, itanim sa mga bayad utang, itanim sa mga kabataang pag-asa ng bayan. Naging magsasaka ang pulisya, hindi biro ang kanilang ginagawa, maghapon nakayuko itinatanim sa kawawang biktima. Demonyo talaga yang puting bato na yan, ayan ang tunay na demonyo. Sino kaya ang nagsabi sa tao na gumawa ng ganyang bagay, ilagay sa loob ng sachet at ibenta na parang sigarilyo? Ewan, ang gulo, isa lang ang alam ko, ang sachet, droga, at sari-sari store ay nakakabit sa ating pagiging pagka-filipino.

Ilagay ko lang as last quote, baka sabihin hindi ko siya pinansin “Don’t panic it’s organic” isa ring naka-sachet.

Opisyal na lahok para sa Saranggola Blog Awards 2017