Orasan

Ding dong ding…

Ding dong ding…

Ding dong ding…

“Kanina ka pa?” tanong ni Lendon kay Val.

“Oo kanina pa ako” sagot ni Val habang nagmamasid sa paligid.

“Dala mo?” pahabol ni Val na kanina pa hindi mapakali habang makulit ang mata sa kanyang paligid.

“Oo, dala ko, tama lang ang dating mo wag kang kabahan, alam ko first time mo pero kung maglalagay ka ng daga diyan sa dibdib mo lalo kang mahahalata”

Inalok ni Lendon kay Val ang dala-dala niyang softdrinks in can “Uminom ka muna pampalamig masyadong mainit ngayon” tinanggap naman ito ng kaibigan.

Sumeryoso muli ang mukha ni Lendon at bumulong kay Val “Huwag kang magpahalata Val, tandaan mo ang pinag-usapan natin kagabi”

“Oo, naalala ko” sagot ni Val.

Hinawakan ni Lendon si Val sa balikat at tinapik-tapik ito na parang may inaamong aso “Putcha ‘pag nakumpleto mo ‘to, tang’na brad bigtime ka”

Ding dong ding…

Ding dong ding…

Ding dong ding…

Tuwing 30 minutos ay tumutunog ang orasan ng Maynila. Ang lugar kung saan ang mga tao’y nagmamadali. May kanya kanyang direksiyon at ang iba’y hindi alam kung san patungo.

Tulad ng dating gawi ay hinihintay ni Val si Lendon. Araw-araw, iba’t ibang parte sa loob ng malaki, mausok at maduming Maynila. Poste ang tawag ni Val at Lendon sa transakyon na ito. Maghihintay si Val, uupo, mag yoyosi, ilang oras tatayo habang hinihintay ang kalakal ng kaibigan. Dalawa, tatlo o anim na oras kung maghintay si Val, depende sa transaksyon at kung suwerte e kinse o trenta minutos na hintayan.

Si Val matalik na kaibigan ni Lendon parang kapatid na ang turing niya dito, pero kahit dikit ang bituka ng dalawa ay hindi maiwasang magkaroon ng sikreto ang isa. Si Lendon, tahimik at may lihim na sikreto kay Val, minsan hindi alam ni Val kung anong katarantaduhan ang tumatakbo sa isip ng kaibigan.

Minsan bigla na lang mawawala si Lendon. Isang buwan, dalawa at minsan apat.Tulad ng isang Ringworm (Buni) o Tinea versicolor (An-an) sa katawang nanlilimahid na puno ng libag ay bigla na lang lilitaw ang mokong. Walang kamalay-malay si Val sa trabaho ng kaibigan, palaging sagot ni Lendon sa kaibigan ay may pinapaayos sa kanya ang daddy niyang nasa probinsiya.

Tuwing 30 minutos ay tumutunog ang orasan ng Maynila. Ang lugar kung saan ang mga tao’y nagmamadali. May kanya kanyang direksiyon at ang iba’y hindi alam kung san patungo.

“Kumusta na ang tatay mo?”

“May sakit pa rin at nahihirapang huminga”

“Ganun ba, huwag ka mag-alala at gagaling din si Manong Gerry i-kamusta mo ako sa kanya”

“Gusto ka nga niyang makita e”

“Nga pala natuwa si boss sa unang lakad mo at naibigay mo ng maayos ang lahat ng item. Ayosin mo ang trabaho mo Val, hindi lang gamot at pang hospital ni Manong Gerry ang kayang ibigay ng samahan sayo- pati maayos at maginhawang buhay”

Huminga ng malalim si Val bago nagsalita ulit “Pre hindi ako magtatagal dito, sinabi ko naman sayo na ‘pag gumaling si Tatay ay aalis na rin ako…..at nag sinungaling ka sa akin Don. Ang sabi mo nasa probinsiya ka, pusang gala iba na pala”

“Putcha naman pre hindi naman kita pinilit dito- kaya nga hindi ko sinabi sayo. Kung ‘di ako pinalayas ni dad hindi ko ito gagawin, tinanggal lahat ng allowance ko nang nalaman niyang dalawang taon na akong di pumapasok” kumuha ng yosi ang nginig na si Lendon at sumindi saka nagsalita ulit “Val nanghingi ka sa akin ng trabaho binigyan kita, tang’na gawin mo naman nang maayos tsk….wag mo akong pahiyain”

Ding dong ding…

Ding dong ding…

Ding dong ding…

Tuwing 30 minutos ay tumutunog ang orasan ng Maynila. Ang lugar kung saan ang mga tao’y nagmamadali. May kanya kanyang direksiyon at ang iba’y hindi alam kung san patungo.

“Medyo mainit tayo ngayon baka huling biyahe muna bukas- pasamantala lang ito Val sa next operation ikaw parin ang ilalakad ko kay boss”

“Tangina naman Don ba’t ngayon pa kailangang operahan ni Tatay kailangan ko ng malaking pera”

“Wala pang raket ngayon”

“Kahit sa malaking operasyon ipasok mo ako”

“Mahigpit ang mga nasa taas hindi sila basta-basta nagbibigay ng malaking isda sa mga baguhan. At ako na ang nagsasabi sayo ‘di ka pa handa para sa malaking operasyon” humigop si Lendon ng malalim galing sa kanyang baradong ilong, pagkatapos ay dinura ang madikit na plema sa sahig kasabay ng pagtapak nito “Akala ko ba ayaw mo ng trabahong ito? Ang lakas mo magsabi noon parehas lang naman pala tayo” sabay ngisi sa kaibigan.

“Kapit sa patalim lang ako Don at hindi tayo magkaparehas, magkaibigan tayo pero di tayo magkaparehas”

“GAGO!!!” sabay turo sa mukha ng kaibigan “Huwag tayo mag gaguhan dito. Yung mga taong binigyan mo ng droga? Isa ka na rin sa mga sumira ng mga buhay nila, kanser ka na rin sa lipunan kaya wag mong sabihing iba ka kesa sa akin, ayaw mo mang aminin loko….PUSHER ka na rin. Kaya huwag kang magmalinis Val”

Tuwing 30 minutos ay tumutunog ang orasan ng Maynila. Ang lugar kung saan ang mga tao’y nagmamadali. May kanya kanyang direksiyon at ang iba’y hindi alam kung san patungo.

Ding dong ding…

Ding dong ding…

Ding dong ding…

“Val pasensiya ka na nga pala kahapon nadala lang ako ng emosyon ko” hinawakan ni Lendon si Val sa balikat at tinapik-tapik ito na parang may inaamong aso bago nagsalita ulit “Ba’t di ka nagsasalita diyan sorry na nga diba?” sabay pasok ng daliri sa kilikili ng kaibigan senyas na naglalambing ito. “Huwag ka na magtampo nakausap ko na si boss isang linggo ka lang magpapahinga balik operasyon na tayo, kaso hindi na dito” hinawakan niya ang kamay ni Val at nagpaliwanag “Bukas ang dating ng mga bagong pulis, hindi pa nalalagyan ng tropa, pag umamo na ang mga aso saka tayo bumalik dito. At tsaka delikado baka may mga magsumbong” wala pa ring imik ang kanyang bestfriend na si Val kaya naisipian ni Lendon ilabas ang sobreng nakatago sa kanyang bulsa “Nga pala kamusta na pala si Manong Gerry? Alam ko kailangan mo ng pera kaya bukod sa bayad ni boss dinagdagan ko na rin yan, sana makatulong sa inyo ng Tatay mo”

Ding dong ding…

Ding dong ding…

Ding dong ding…

Alas quatro ng hapon kasabay ng tunog ng orasan. Isang putok ng baril ang nagpatigil sa Maynila. Napatigil ang mga taong kanina lang ay nagmamadali sa kanilang pupuntahan. Binalot ng kulay na pula ang maalinsangang init ng araw na pilit kumakawala sa kalsada. Kasabay nito ay mga grupo ng pulis papalapit sa nakabulagtang katawan ni Lendon na nagwawaring lalaban ang kanyang walang hininga na katawan.

“Lumaban yung lalake, bumunot ng baril” sabi ng matandang tindera ng yosi habang tinuturo ang katawan ni Lendon.

Ang pagmamadali ng mga tao’y napalitan ng usyoso at iba nama’y di alam kung san tutungo. Si Val naglalakad, hindi alam kung saan pupunta, nagiisip sa kanyang amang may sakit, dala-dala ang sagot sa kanyang problema.

Tuwing 30 minutos ay tumutunog ang orasan ng Maynila. Ang lugar kung saan ang mga tao’y nagmamadali. May kanya kanyang direksiyon at ang iba’y hindi alam kung san patungo.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s