Skit-nita

Isang lalaki ang nakahandusay sa malamig na semento. Nakahandusay sa eskinitang parating dinadaanan ng magkaibigang Roland at Jerric. Naka duct tape ang mukha nito, nakatali rin ang mga kamay at paa ng lalaki. May placard na nakasabit sa kanyang leeg, “Huwag tularan Pusher ako”

“Puta matagal pa ba yan?” tanong ni Jerric kay Roland na kanina pa kinukuhanan ng litrato ang bangkay.

“Huwag ka nga magulo, pang facebook ‘to, sisikat tayo dito” sagot ni Roland habang kumukuha ng magandang angulo “Tang’na pre, basag ang utak nito sa bala, naalala mo yung head shot sa counter strike dati?” dugtong ni Roland.

Sinilip naman ito ni Jerric at napailing “Ano kayang kaso ng gagong ‘to?”

“Ano pa ba e di droga, kaso hindi taga dito Ekkkkkkkkkkkkk…” sabay dura ng plema “May basag na bote pang katabi ang kumag” dugtong nito habang tinatapakan ang malapot na berdeng likido sa sahig.

Inabot naman ni Jerric ang stick ng sigarilyo sa kaibigan bago nagsalita “Post muna sa facebook”

“Bukas na, wala nang magla-like nito” sabay sindi.

“Sa bagay, walang online, alas dos trenta na” sabay tawa ng magkaibigan.

“Tapunan talaga ang lugar na ‘to no?” tanong ni Jerric

“Dati pa naman, kung hindi tae ng mga nakatira dito e tao. Naalala mo yung dati, si Mang Temyo?”

“Ay puta! Dito niya ginahasa yung anak ni Aling Pacing, tang’nang matandang yun, 4years old pinatos”

“E gago, malibog, tanda-tanda na. Si Aling Pacing, isang gago rin, walang inatupag kundi mag Bingo”

“Puta yun, pokpok daw dati yun e”

Ngumisi si Roland “Puta na pokpok pa, baka naging customer ng tatay mo?”

“Gago!” sabay tulak sa kaibigan “Puro ka kalokohan, kapkapan mo nga yung bulsa ng gagong yan”

“Ano hanapin ko, condom?”

“Tanga! Kapkapan mo kung may pera para may pang burger tayo”

Isang lalaki ang nakaluhod sa malamig na semento. Nakaluhod at nagmamakaawa sa eskinitang palaging dinadaanan ng magkaibigang Roland at Jerric. Nagmamakaawa, basa ng pawis ang damit.

Kung wala lang sa hospital ang bunso ko, hindi ko gagawin ito. Wala na, wala nang panahon para magsisi pa, nangyari na ang dapat mangyari, bulong nito sa sarili habang nakatutok ang malamig na baril sa kanyang sintido.

“Tangina ka! Sa dami mong lolokohin ako pa? Gusto mo gawin kitang pataba sa lupa ha? Luhod! Luhooooooddd!!!!”

“Boss, putok mo na yan inonsehan naman tayo ng kumag na yan” kantyaw ng isang matabang lalaki na kanyang alipores.

Nakaluhod ang lalaking nakasuot ng puting damit na may tatak na “Duterte 2016” bilang suporta sa nakaraang halalan. Nakataas ang dalawang kamay nito, pawisan at nangingilid ang luha. Hindi niya kayang ipaliwanag ang kanyang takot, parang natatae o naiihi na baka nakaihi na nga siya o ang masama ay may umumbok na sa pwetan niya. Mabilis ang takbo ng kanyang isip at nginig magsalita.

“Bo-bo-boss hindi ko naman ka-kayo niloloko e. Inutusan lang ako, taga takbo la-ang ako. Wala ako-kong alam dito”.

Nakatutok pa rin ang baril sa kanyang ulo habang nanlilisik at galit na galit siyang kinakausap “Hindot ka! Walang alam pero kasama ka sa grupo. Sige, ganito na lang kung mahal mo buhay mo, ipasok mo ‘tong bote ng redhorse diyan sa pwet mo, yung mucho! Tatlong segundo…. Isa!”.

Huminga nang malalim at pumikit. Napuno ng tawanan ang lugar at hagikhikan.

Isang lalaki ang nakahandusay sa malamig na semento. Nakahandusay sa eskinitang parating dinadaanan ng magkaibigang Roland at Jerric. Hindi na makilala ang mukha dahil sa tama ng baril at tanging Pag-ibig ID ang pagkakakilanlan nito. Robert Santos MID number 1023-4567-8090, loyalty card galing sa Pag-ibig na binayaran niya ng 100 pesos. Inutang pa niya ‘to sa kanyang kumpare, sinabihan kasi siya ng babaeng nagtratrabaho sa kanilang munisipyo na may 5% discount sa bawat gamot na bibilhin sa isang sikat na botika, kailangan lang ipakita ang card, tulong ng Gobyerno para sa kagaya niyang mahirap na sumusuweldo below the minimum wage. Kailangan niya ito lalo na sa kanyang anak na may sakit.

“Sinkwenta, patos na ba ‘to?”

“Tang’na” mura ni Jerric “Nakapkap mo na lahat ng bulsa?

“Ang langsa na nga nito e, ikaw kaya kumapkap, tang’nang ‘to!”

Sinkwenta pesos, pamasahe niya sana pauwi, bigay ng kanyang kaibigan na nag-alok sa kanya ng raket. Dagdag pang gastos para sa anak niyang nagda-dialysis, kailangan na kasing salinan ng dugo kinabukasan. Easy lang ang gagawin, ibigay lang ang nakasupot ng plastic sa lalakeng maghihintay sa tagpuang tinuro ng kanyang kaibigan “Wala kang tatanungin, ibigay mo lang, wala kang sasabihin iabot mo lang, at wala kang tatanggapin. Iabot mo lang ang supot, tapos, bumalik ka, instant sampung libo”. Ito ang utos ng kanyang kaibigan na kasama niya sa isang construction site na kanilang pinagtratrabahuan.

“Pwede na yang sinkwenta, laman tiyan din yan”

“Angel’s Burger, sa unang kagat tinapay lahat”

Isang lalaki ang nakaluhod sa malamig na semento. Nakaluhod at nagmamakaawa sa eskinitang palaging dinadaanan ng magkaibigang Roland at Jerric. Nagmamakaawa, tinitimpi ang sakit at hapdi sa kanyang tumbong. Napuno ng tawanan ang lugar at hagikhikan.

“Maawa po kayo” usal niya.

Ang eksena ay isang litrato ng kawalan ng karapatan na maaring ihalintulad sa Extra Judicial Killing na napapanood niya sa balita tuwing gabi. Hindi lingid sa kanya na maaring maihalintulad siya sa mga ito at isisi sa presidenteng binoto niya noong nakaraang halalan. Ngunit isa lang ang kanyang inaalala, ang anak niyang nakahiga sa kama. Inaalala ang bayarin na tumatakbo bawat araw sa paglalagi nila sa hospital. Nagbabakasaling may mapadaan o may makakita man lang sa kanila upang itigil ang kahayupang kanyang danas. Hindi niya siguro pansin ang mga matang nakikiusyoso, nakasilip na parang mga loro sa bintana at siwa ng mga bahay na iligal na tinayo malapit sa eskinitang kanyang pinagdudusahan. Sanay na sila sa ganitong eksena. Matibay ang kanilang kaluluwa at bituka para makita ang barilan at patayan. Almusal nila ang bala, hindi na sila takot sa mga ganitong eksena, para sa kanila ang pagpatay, droga, kalaswaan, kahirapan, pang-aabuso, gutom, korapsyon, pagbebenta ng laman, karahasan at maduming hangin na dulot ng mabahong estero ang natural na sirkulo ng sistemang kanilang kinasasadlakan. Hindi na siya muling pinahirapan, hindi na siya hinintay na muli pang magsalita. Ang baril na kanina pa nakatutok sa kanyang bunbunan na inip nang kalabitin ng isa sa mga hayenang humalikhik sa tawa ay bigla na lang humiyaw. Kumawala ang basag na nota kasabay ng putok galing sa pampaigkas ng mga halang na bituka, kasabay nito ang pagkabigla ng mga madlang tila nanonood ng pelikula.

Isang lalaki ang nakahandusay sa malamig na semento. Nakahandusay sa eskinitang parating dinadaanan ng magkaibigang Roland at Jerric. Naka duct tape ang mukha nito, nakatali rin ang mga kamay at paa ng lalaki. May placard na nakasabit sa kanyang leeg, “Huwag tularan Pusher ako”

 

Opisyal na lahok para sa Saranggola Blog Awards 2017

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements