Ang Sachet Bow!

Ang sachet bow! Ang simbolo ng kahirapan. Ang tingi-tingi, ang pira-piraso at paisa-isang bentahan. Ang sari-sari store na sumasalamin sa ating kultura, heritage of smallness ika nga ni Quijano de Manila. Kahit sa droga parang shampoo at betsin, nakalagay sa sachet, piso pa nga kung tawagin ang isang gramo ng Methamphetamine. Panandaliang kaligayan ang hatid sa mga parokyanong isang kahig isang tuka. Tapos magtataka tayo bakit puro mahihirap ang mga nakabulagta? Balik tayo, saan nagmula ang sachet at droga? Kung sa kasaysayan at kultura ang sachet ay galing sa tsina, maliit na telang inilalagay sa loob ng damit para gawing pabango, panlaban lamok at masasamang espiritu at nito lang sa balita 5-milyon na halaga ng shabu nahuli kay Chen Go. Tunog tsonggo pero alam mo ng tsino, hindi malayo sa pangalan nina Tony Co, Vicente Sy at Peter Co. Ayos lang yan, okay lang basta may permiso tayong mangisda sa Scarborough Shoal.

Balik tayo sa kwentuhang sachet. Naalala ko noong may tindahan kami. Badtrip ako kapag ako ang toka, ang sarap nang panonood ko sa tv at may sisigaw ng pabile. Isang stick nga po ng yosi, mapapailing ka na lang na parang gusto mong mang gulpi. Minsan napagalitan ako ni Mama, sabi niya “Anak okay lang kahit tig-iisa ang binibili ang mahalaga may kita”. Pero kung ako ang bumibili mas pipiliin ko ang bultuhan kesa tingian. Mas makakamura ako kesa sa paisa-isang bilihan. Hindi totoo yan sabi ng kakilala kong tambay, hindi naman kasi sila mayaman at ang pera sa buong araw ay sapat lang sa pirasong kaligayahan. Isang pirasong shampoo, isang lata ng Ligo, isang plastic ng suka, toyo at mantika, isang pirasong kaligayahan sa bansang maliit ang tingin sa sarili. Mabagal ang progreso at maliit ang hakbang tungo sa pagbabago. Kaya tayo ay parang bato, minsan durog minsan buo. Nakalagay sa sachet na tila anay na kumakain sa kinabukasan ng bawat Filipino. At gaya ng sari-sari store, madali ang bentahan, mura ang presyuhan. Basta nasa maliit na plastic ang lalagyanan, buhay na buhay sa buong magdamagan.

Easy access pa ang lagayan, puwede ilagay sa brief, puwede lunukin at ilabas sa puwet, puwede ilagay sa loob ng stuff toys o ilagay sa loob ng sapatos. Maliit kaya madaling bitbitin, madali ring itanim. Itanim sa mga pinaghihinalaan, itanim sa mga napagtripan, itanim sa mga bayad utang, itanim sa mga kabataang pag-asa ng bayan. Naging magsasaka ang pulisya, hindi biro ang kanilang ginagawa, maghapon nakayuko itinatanim sa kawawang biktima. Demonyo talaga yang puting bato na yan, ayan ang tunay na demonyo. Sino kaya ang nagsabi sa tao na gumawa ng ganyang bagay, ilagay sa loob ng sachet at ibenta na parang sigarilyo? Ewan, ang gulo, isa lang ang alam ko, ang sachet, droga, at sari-sari store ay nakakabit sa ating pagiging pagka-filipino.

Ilagay ko lang as last quote, baka sabihin hindi ko siya pinansin “Don’t panic it’s organic” isa ring naka-sachet.

Opisyal na lahok para sa Saranggola Blog Awards 2017

 

 

Advertisements