Idol Ko Si Kuya

“Idol ko si Iron Man”

“Idol ko si Wolverine”

“Idol ko si Superman at si Batman”

Tuwing nakikipaglaro si Obet sa kanyang mga kaibigan hindi maiwasang mapagkuwentuhan ang kanilang mga idolo. Si Iron Man lumilipad kahit bakal, may bateryang ever-ready sa dibdib na hindi nauubos. Si Wolverine malakas, kayang talunin ang benteng kalaban, mas astig pa kay FPJ. Si Batman, biglang nawawala sa dilim. Ang ganda ng gadgets at yung Bat Mobile, astig! Si Superman mas mabilis pa sa bullet train, kayang buhatin ang malalaking bulding. Si Obet isa lang ang idolo. Ang kanyang kuya na si Pio, may mahiwagang kamay, kaya niyang gumawa ng ibang mundo. Natulala ang mga kaibigan ni Obet sa narinig, yung isa pa nga’y tumulo ang sipon.

“Ang galing!”

Wika nila kasabay ang mga ngiting hanggang tainga, pinagpatuloy ni Obet ang kuwento. Ang pinakapaborito kong gawa ni kuya ay ang mundong gawa sa candy, nakakatakam at ang tamis-tamis ng paligid. May lumilipad na lollipop at tsokolateng langgam na kumakain ng marshmallow. Ang mga bulaklak sa hardin ay gawa sa asukal at ang mga damo naman ay gawa sa bubblegum. Ang paborito ni Mama ay ang lawa ng gatas at ang mundo ng rainbow naman ang kay Papa, binudburan ni kuya ng kinang galing sa mga krayola. Sa lahat ng mundong gawa niya ay mayroong bukod tangi at naiiba. Ang mundo ng Jupiter, na pinalilibutan ng mga bituin na kulay lila. Ginaya ni Pio sa panaginip niya, isang gabi ay napanaginipan niya na siya’y tumatakbo, tumatalon at kumakanta-kanta sa planetang Jupiter. Naramdaman niya ang kasiyahan at katahimikan sa piling ng malawak at malaking planeta. Simula noon, ito na ang mundong paborito niya.

“Kuya gusto kang makita ng mga kaibigan ko” binalita agad ni Obet sa kanyang kuya pag-uwi niya. Laking tuwa naman ni Pio ang narinig “Talaga, kailan?” tanong niya na may galak.

“Bukas kuya” sagot ni Obet.

Biglang naalala ni Pio ang sakit niya. Hinawakan niya ang kanyang buhok na manipis. Ang pisngi niyang matambok dahil sa gamot na tinutusok sa kanya. Nakita ito ng kanilang ina at ngumiti “Ipakita mo sa kanila Pio ang iyong mga guhit, sigurado akong matutuwa sila” lumakas ang loob ng bata sa narinig. Kumuha ng pang-kulay, papel at sinimulan gumuhit ng kanyang obra.

Kinabukasan ay dumating na ang mga kaibigan ni Obet, puno ng mga palamuti ang bahay nila. Dinisenyuhan ng kanilang Papa at Mama. Sa sala ay nakasabit ang mga guhit ng matatamis na candy, sa kusina naman ay ang mundo ng gatas at bahaghari. Sa kuwarto nina Obet at Pio ay ang guhit ng planetang Jupiter. Manghang-mangha ang mga kaibigan ni Obet sa mga nakikita. Hindi makapaniwala na kaya itong gawin ng batang kagaya niya. Nakangiti sa harap nila si Pio, nakaupo sa wheelchair, nahihiyang makita ang kalagayan niya. Hindi naman ito pinansin ng mga bata at lahat sila’y tumakbo sa harap ni Pio para yumakap at makipagkamay. Nilabas ni Obet ang papel, lapis at pang-kulay at buong maghapon ay tinuruan sila ni Pio kung paano gumuhit ng paborito nilang idol na Superhero.

Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng mga kaibigan at kalaro si Pio bukod kay Obet. Bawal kasing lumabas si Pio dahil sa sakit niya. Tuwang tuwa rin si Obet dahil nakita niyang masaya ang kanyang idolo na kuya. Hindi man siya Superhero kagaya ni Ironman, Superman, Wolverine at Batman puwede namang ihalintulad sa Superhero ang katapangan niya. Isang Superhero na kahit sa batang edad ay hinaharap niya ang sakit na kanser.

Tumanda si Obet at nagkaasawa. Hindi pa rin nawawala ang pagmamahal niya sa kanyang kuya. Ispesyal ang gabing ito para sa kanya. Sinigurado niya na ang lahat ay nakabihis at maayos ang gayak. Simula sa kanyang anak na si Vito, Aedan at Ivan at kanyang asawa na si Zoraida.

“Saan ba tayo pupunta?” tanong ni Aedan.

“Pupunta tayo sa idolo ng iyong Papa” sagot naman ni Zoraida.

Pagkalipas kasi ng 15 taon ay nabigyan ng pagkakataon na i-display ang mga likha ni Pio. Pagkakataon ito para makita at makapagbigay inspirasyon sa iba.

“Trip to Jupiter: Painting Exhibit for Cancer Awareness” ito ang karatulang nakapaskil sa labas ng pintuan ng isang building.

Vito: Ang gaganda ng mga guhit dito Papa.

Aedan: Mama hindi ba ito yung sa bahay nina lola?

Ivan: Pamilyar ang mga paintings.

“Ito ang likha ng inyong Tito Pio. Pinagsama-sama para magbigay inspirasyon. Hindi hadlang ang pagkakaroon ng sakit para tumigil gumawa ng bago. Hindi hadlang ang pagkakaroon ng sakit para hindi maging matapang, magpatuloy at magbigay inspirasyon. Hindi hadlang ang pagkakaroon ng sakit para maging masaya sa buhay at maging idolo ng iba. Dahil ang bawat tao ay kakaiba, bawat tao ay regalo at ang bawat tao puwede maging isang superhero” pangaral ni Obet sa kanyang mga anak.

“Ito nga pala ang paboritong gawa ng inyong tito” tinuro ang painting ng Jupiter na pinalilibutan ng bituin na kulay lila. Kumawala naman ang ngiti ng magkakapatid sa nakita. Sa puso nila ay may kakaibang apoy at tumilamsik ito sa kanilang kaluluwa. Isang kasiyahan na makita ang likha ng idolo ng kanilang ama. Sa hindi kalayuan ay dumating ang panauhing pandangal, umapak sa entablado at nagsalita. Nakita ito ni Obet at tinawag ang kanyang mga anak “Mag-mano kayo at batiin n’yo ang inyong tito”.

***

Ang kwentong ito ay alay kay Aedan Pio, a talented 4 year old abstract painter. Aedan is fighting a rare type of cancer – Chordoma, an uncommon type of bone cancer and he has it around his brain stem. Sa lahat ng mga gustong tumulong sa bibong batang ‘to, i-click lang ang link: https://www.facebook.com/aedanpio/

68747470733a2f2f73332e616d617a6f6e6177732e636f6d2f776174747061642d6d656469612d736572766963652f53746f7279496d6167652f6e38426e6d304b396171746354413d3d2d3439303137383639302e3134663338666434

Opisyal na lahok para sa Saranggola Blog Awards 2017

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s